Mga Tala ng Nagsalin ng Frankenstein
Inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino, 2016
Naaalala ko pa ang una kong seryosong pag-iisip tungkol sa pagsasalin: tinatalakay ang Pablo Neruda: Mga Piling Tula (University of the Philippines Press, 2004) ng mga makatang nagsalin ng mga tula sa aklat. Doon, hinikayat ni Fidel Rillo* ang mga tagapakinig na pansinin ang dalawang salitang translate at salin—na parehong naghihiwatig ng paglilipat, ng isang paggalaw. Galing sa pinagmulan, tutungo ang isang bagay sa ibang lugar, habang ganap rin itong nananitili. Inihalintulad ni Rillo ang pagsasalin ng akda sa pagsasalin ng tubig mula sa isang bote tungo sa isang baso, halimbawa, at nananatiling tubig ang tubig kahit na iba na ang pinaglalagyan nito. Nagbago lamang ang wangis ng lalagyan, ngunit pareho lamang nasa(sa)loob.
Binabalikan ko marahil ang alaalang iyon dahil ang naging pinakamalaking hamon yata sa akin ng trabahong ito ay ang pagsasalin ng mga tulang sinipi sa akda. Sinipi ni Shelley ang Tintern Abbey ni Wordsworth at ang Rime of the Ancient Mariner ni Coleridge. Ibabahagi ko rito ang ikalawa, na dahil may sukat at tugma sa Ingles ay kinailangan ko ring gawing ganoon sa Filipino:
Hindi ko maisip kung ano ang gagawin ko kung wala akong mapagsasalinang katutubong anyo o katutubong tradisyon ng pagtula para sa kinailangang pagsasalin. At mabuti ring bawat ikalawang linya lang nagtugma dito si Wordsworth, kundi siguradong lalong sumakit ang plekilyo ko.**
Sa mismo kong pagsubok sa gawaing ito, naisip kong mahahatak pa ang pagwawangking ito ni Rillo, sa madalas nating marinig na ‘something always gets lost in translation.’ Laging may mawawala, at anuman ang gawin ng nagsasalin ay may ilang patak ng tubig na mananatili sa una nitong bote, o basta hinding-hindi na maililipat sa baso. At napakahalagang pumili ng bagong lalagyan na mapagkakasya ang lahat ng laman ng panggagalingan. Mas madali ring magsalin kung mas malaki ang buka ng pagsasalinan, o kung gagamit marahil ng embudo.
Sa pagsasalin ng Frankenstein, ulit-ulit akong naging malay sa mga kahingiang ito, dahil nagsasalin lang ako, pero mayroon nang bote (na sa pagkakataong ito ay Ingles) at baso (Filipino).
Tinanggap ko nang mayroon at mayroong mawawala—kailangan ko na lamang sikaping gawing kakapiranggot lamang ito hangga’t káya. At ito ang unang kailangan kong harapin sa pag-iisip ng uri ng wika—ng uri ng Filipino—na gagamitin ko. Kayâ tayo nagsasalin ay para maiparating ang isang akda sa mas maraming tao, at maiparating sana sa paraang makakikitaan nila ng ganda—hindi lamang ng kahit anong ganda, kundi ng gandang nasa orihinal na akda.
Inaamin kong natukso ako noong una na gumamit ng mas napapanahong pagwiwika sa aking salin para, sa isip ko, mailapit lalo ito sa nakararami. Pero magiging pagtataksil iyon sa akda. Nailathala ang unang tomo ng Frankenstein noong 1818, sumunod ang ikalawang tomo nang 1820, habang 1823 naman lumabas ang tinipon at mas kilalang edisyon ng nobela. Totoo, hindi Filipino ng siglong 1800 ang ginamit kong wika sa aking salin, pero hindi rin (sana) ito makikitahan ng anakronismo. Sinikap kong ilapit ang pagwiwikang pinili ko sa tunog ng wika ng akda.
Natukso rin akong putulin sa mas mararaming pangungusap ang napakahahabang pangungusap ni Shelley. Gawi, masasabi ring estilo, ng may-akda ang habiin sa isang kilometrikong pangungusap ang napakaraming hiwatig. Sinikap ko kung gayong panatilihin ang mahahabang pangungusap ni Shelley, basta hindi matatalisod ang mambabása sa magiging salin ng mga ito. (Na lalo pang naging mahaba, dahil sa katangian ng ating wika.) Para sa akin, ang ganitong pagbubuo ng mga pangungusap ni Shelley ay paraan niya ng pagpapahiwatig ng mga masalimuot na damdamin ng kaniyang mga tauhan, at ang lalo pa nilang magugulóng paglilimi tungkol sa kanilang sarili. Nagbigay rin ang mga ito ng matingkad na salungatan sa maiikling pangungusap ng maliligalig na bahagi tulad ng mga pagtatagpo o paghahabulan ni Frankenstein at ng kaniyang halimaw. Isa pa, lubhang magbabago ang daloy at indayog ng akda kung biglang iikli ang mga pangungusap dito.
Ang isa pang matinding usapin sa saling ito ay ang mga pasya tungkol sa mga ginamit na salita para sa mga tukóy na bagay na sadyang walang katumbas sa Filipino—tulad ng sledge (sled), glacier, berry, na sadyang wala sa ating wika dahil hindi matatagpuan ang mga bagay na ito sa ating bansa, at kung gayon ay hindi natin napangalanan. Para sa mga ganitong pagkakataon—na mahalaga ang mismong bagay, at hindi makatwirang gumamit ng kahawig o kalapit na bagay na may salitang Filipino, masasabing napagpasyahan kong gamitin bilang embudo ang wikang Espanyol. Matatagpuan sa salin ko ang mga salitang trineo, glasyar, at baya. Pinili ko ang mga ito, sa halip na panatilihin ang mga salitang Ingles o isa-Filipino na lamang ang baybay ng mga ito, dahil pagpapahalaga ko ito sa ambag ng tunog sa isang akdang pampanitikan. Hindi maipagkakaila, dahil sa lapit ng ortograpiya ng Filipino sa Espanyol, na mas maganda ang tunog ng “Ang yelong pader ng glasyar ang naglilim sa akin,” kaysa “Ang yelong pader ng glacier ang naglilim sa akin,” o “Nakakita kami ng mga asong may hinihilang trineo,” kaysa “Nakakita kami ng mga asong may hinihilang sledge.” (At ngayong isinusulat ko ito, nalaman kong ni hindi ko pala alam kung paano isasa-Filipino ang baybay ng sledge at glacier.) Dagdag pa, naaasiwa ako, at marahil ay maaasiwa rin ang mambabasa, sa biglaang pagsulpot ng mga hayag na hayag na banyagang salita sa isang akdang nasa ganitong uri ng Filipino. Mas organiko ito, dahil sa aking pananaw, ang isang taong gumagamit ng uri ng pagwiwikang pinili ko ay pipiliing humiram ng mga salita sa Espanyol kaysa Ingles.
Sabi ng isang dalubwika, ang pangunahing pagkakaiba ng dalawang wika ay nasa dapat maipahiwatig ng mga ito at wala sa mga maaaring maipahiwatig. Tungkulin ng tagasalin ang magtimbang ng napakaraming maaari sa pinagsasalinang wika para malaman kung alin sa mga ito ang pinakakatumbas ng dapat ng wikang isinasalin. Ang librong ito ang bunga ng napakarami at napakahahabang pag-upo, ulit-ulit na timbangang-wika, at nakababaliw na pakikipagniig sa pinakakilalang akda ng isang naghawan ng daan para sa mga babae sa mundo ng panitikan.
– – – – – – – – – – – –
* Si Fidel Rillo din ang nagdisenyo ng pabalat at latag ng aklat.
** plekilyo: bangs, mula sa Espanyol na flequillo
Kasama ng iba pang mga Aklat ng Bayan, ilulunsad ang librong ito sa 23 Agosto 2015, 2-4 ng hapon sa Bulwagang Norberto Romualdez, Komisyon sa Wikang Filipino, Malacañang Complex, San Miguel, Maynila.

Click for larger image.
Magbibigay ang Komisyon sa Wikang Filipino ng 25% deskuwento sa lahat ng publikasyon sa darating na Agosto 23. Ito ay handog ng KWF bilang pagdiriwang ng kaniyang ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag.
Sa araw na iyon ay ilulunsad din ng KWF ang mga bago niyang aklat. Ang mga aklat ay mga salin ng mga panitikan ng mga rehiyon, mga klasikong akda ng daigdig, at pananaliksik sa wika at kultura. Bahagi ang mga ito ng isang pangmatagalang proyekto ng KWF na masimulan ang maaaring ituring na “Aklatan ng Karunungan” na magtatampok sa kakayahan ng wikang Filipino bílang wika ng paglikha at saliksik.
Bukod sa paglulunsad ay magkakaroon din ng huntahan sa pagsasalin ang ilang mahuhusay na manunulat na naging tagasalin ng KWF. Magkakasama sa huntahan sina Nicolas Pichay, abogado at kasapi ng Palanca Hall of Fame; Ferdinand P. Jarin, nagwagi ng NBDB National Book Award, Allan Derain, nagwagi din ng NBDB National Book Award, Michael Jude Tumamac (Xi Zuq), nagwagi sa Talaang Ginto: Makata ng Taon 2015, at Ergoe Tinio, nanalo ng Palanca Awards para sa kuwentong pambata.
Ang paglulunsad ay gaganapin sa tanggapan ng KWF, Gusaling Watson, Kalye J.P. Laurel, Malacañang Complex, San Miguel, Lungsod Maynila, mula alas-2 hanggang alas-4 ng hapon. Bukas mula alas-9 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon ang pagbebenta ng aklat.
Para sa mga tanong at detalye, maaaring makipag-ugnayan sa KWF sa telepono bilang (02)708-6972, (02)736-2525 lok. 105 o sa dendenqnipes[at]gmail.com. Maaari ding bisitahin ang http://www.kwf.gov.ph.
Ang galing mong magsalin! Bilang Amerikanong tumira sa pinas nang dalawang taon alam ko mahirap magsalin mula sa Ingles sa Tagalog. Pero napakaganda ang ginagawa ninyo kasi sa palagay ko masyadong maraming Taglish sa mundo ngayon at kinakailangan ng Pinas pagyamanin ang bokabularyo sa pamamagitna ng ganitong projects. Babasahin ko ang aklat mo 🙂