Edgar Samar guest posts: Ang Anino ni Tony Perez

Getting Paged is happy to have Edgar Samar, author of Si Janus Silang at ang Tiyanak ng Tabon, doing the pilot post for our Authors on Authors category, just in time for this:

JanusSilang_blogtour


An English translation of Samar’s guest post can be found here. Links mine.


Ang Anino ni Tony Perez
ni Edgar Calabia Samar

Nasabi ko na sa maraming pagkakataon na isa sa mga paborito kong manunulat si Tony Perez. Subalit bagaman tampok ang bata o kabataan sa mga katha niya, hindi masasabing pambata o pangkabataan ang mga ito. Sa una niyang nobela na Cubao 1980, halimbawa, makikilala natin ang disisais anyos na si Tom, laking-Cubao, at pinasok ang paminsan-minsang pagpuputá upang masunod ang layaw. Wala rito ang tradisyonal na romantisasyon ng kahirapan—bagaman totoong hindi nakaririwasa ang pamilya ni Tom—bagkus ay ang pagsisikap ng kabataang harapin ang espasyong komersiyalisado. Nagbebenta siya ng katawan dahil sa paminsan-minsang inggit—para sa bagong relo, o pantalon—o para makisama sa barkada.

Kaya naman, kakaiba ang hamon sa mambabasa nang inilathala ang nobela niyang Si Crispin (2012). Pangunahing tauhan ang imahinaryong Crispin, na aakalain sa simula bilang ang ipinagpalagay nating namatay na anak ni Sisa sa Noli Me Tangere ni Rizal. Subalit sa halip na isang pagpapatúloy sa akda ni Rizal—tulad ng naunang ginawa ni Amado V. Hernandez nang iniahon niya sa Mga Ibong Mandaragit ang kayamanan ng mga Ibarra na itinapon ni Padre Florentino sa Dagat Pasipiko sa dulo ng El Filibusterismo—ang matutuklasan natin sa kalagitnaan ng nobela ni Perez ay na isa talaga itong kasaysayang alternatibo. Dito, sina Basilio at Crispin ay mga anak ni Rizal mismo, at ipinahihiwatig na siyang totoong inspirasyon ng mga tauhan sa nobela niya.

Hindi lang inilunan ni Perez sa isang kasaysayang alternatibo ang Si Crispin, narito rin ang isang mundong pantastiko, o iyung yumayanig sa nosyon natin ng totoo. Tila isang mahabang engkantasyon ang nobela, isang litanyang kumikilala sa pluralidad ng mga bathala. Maraming pagkakataon na iniiwasan kong bigkasin, kahit sa isip ko lang, ang mga bahaging Latin o binastardong Latin mula sa kung ano-anong bulong at agimat, dahil pakiramdam ko’y may kung anong bubuhayin ang mga iyon, tulad ng aklat ni Perez tungkol sa mga panibagong orasyon, panibagong tawas, at panibagong kulam sa pag-ibig.

Ito sa palagay ko ang kakapítan ng kabataang magbabasa sa Si Crispin: ang lagim sa mga anino ng dilim na naunang ginalugad ni Perez sa kaniyang maiikling katha na tulad ng Cubao Pagkagat ng Dilim. Subalit kaiba ng aklat na iyong inilulunan sa siyudad ang kagila-gilalas, ibinabalik ng Si Crispin ang pantastiko sa nagdaang bukal ng ating mga kawalang-malay. Na sa daigdig nating mabilis makalimot, makapangyarihan ang interbensiyon ng haraya o imahinasyon. Malayo na ito sa Kangkong 1896 ni Ceres S.C. Alabado na pumapaksa rin sa panahon ng rebolusyon laban sa mga Kastila. May talas ang muling pagsasangkot ni Perez sa mga arketipo ng Liwanag at Dilim sa kaniyang imahinasyon ng nagdaan.

Ganito ang motibasyon at inspirasyon ko sa pagsusulat ng aking YA novel series na Janus Sílang, at isang lilim ang anino ng pagkatha ni Perez. Sadyang kailangan ng malikhaing pakikialam sa nagdaan, sa ating mga alamat at alaala, upang hindi tayo mabulid sa napakaalwang paglimot. Sa dulo ng nobela ni Perez, napagpasyahan ng bidang tumakbo—tumakbo nang tumakbo—dahil marahil sa paniniwalang ang mabuhay ay upang hindi mapanatag. Na ang kabaligtaran ng paglikha ay pananatili.


Visit edgarsamar.com for more of Samar’s work, and follow him on Twitter: @ecsamar. Get to meet the author during one of the book store stops: May 10 (National Book Store SM North), and May 17 (National Book Store Glorietta 5). Go to Xi Zuq’s Nook or the Adarna House Blog to see the other blogs participating in the tour. Like Janus Silang on Facebook to be updated on events and promos regarding the book. Visit Wattpad or TALArchives.Net to read the first chapter. And don’t forget to join our raffle for a chance to get a free copy of the book or limited edition merchandise from Adarna House!

SI JANUS SILANG AT ANG TIYANAK NG TÁBON
Kuwento ni Edgar Calabia Samar
Inilimbag ng Adarna House, Inc. (2014) 

Tungkol sa Aklat
Sa tournament ng TALA Online sa bayan ng Balanga, namatay ang lahat ng manlalaro maliban kay Janus. Sunod-sunod pa ang naging kaso ng pagkamatay ng mga kabataan sa computer shops sai ba’t ibang panig ng bansa. Kinontak si Janus ng nagpakilalang Joey, isa rin umano sa mga nakaligtas sa paglalaro ng TALA na gaya niya. Hindi inasahan ni Janus ang mga matutuklasan niya mula rito na mag-uugnay sa kanya sa misteryo ng kinahuhumalingan niyang RPG—at sa alamat ng Tiyanak mula sa Tábon!

Tungkol sa Manunulat
Si Edgar Calabia Samar ay ipinanganak sa Lungsod San Pablo at nakapagsulat na ng dalawang nobela, ang Walong Diwata ng Pagkahulog (2009) at Sa Kasunod ng 909 (2012). Itong Janus Sílang series ang una niyang kathang YA. Nagtuturo siya ngayon ng Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Ateneo de Manila University. Mahigit sampung taon na ang nakararaan nang una siyang makakilala ng isang Púsong.

Win a copy of Si Janus Silang at ang Tiyanak ng Tabon

About ergoe

Reader. Writer.

One comment

  1. Makabasa nga ng mga akda ni Tony Perez. :]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: